Plakard
January 12, 2008Ilang minuto na ang lumipas. Nasa harapan parin ako ng salamin. Napako na ang aking isipan sa mga bagay bagay na sadyang gumugulo sa akin. Ubos na ang aking allowance. Wala na rin akong pangmatrikula. Wala na akong ibang mahihingan sapagkat matagal na akong itinakwil ng aking mga magulang. Suwail man ako, may mga pangarap din naman. Hindi lang nila talaga ako maintindihan. Nautangan ko na rin ang lahat ng pwede kong mautangan, mga katropa, mga kapitbahay, mga kagawad lahat.
Iginala ko ang aking mga mata sa paligid at baka may mahagilap akong pwede pang lumanding sa pawnshop kahit na hindi ko na matubos mairaos lang ang pangangailangan ko ngayong linggo na to. Napakamot lang ako ng wala akong nakita ni isa. Kasasanla ko lang pala sa Rolex na regalo sakin ng isang kaibigan noon.
Sumandal ako sa paanan ng aking kama sabay sindi sa yosi na binigay pa sa akin ng kabarkada ko kanina. Hithit. Buga. Hithit. Buga. Parang dito na lamang babagsak ang buhay ko. Kundi yosi, alak naman.Laklak. Tagay. Laklak. Tagay. Nakakasawa pero parang manginginig ng buong buo ang aking pangangatawan kapag hindi ako nakatikim.
Tatayo sana ako para lumabas nang maino ko ang kayarian ng aking katawan. Medyo pumayat. Mali. Pumayat nga talaga. Napangiti na lamang ako dahil alam kong masahol pa ako sa askal na walang makain. Masuwerte pa nga ang asong kalye sa akin kung tutuusin. Ako, maghahanap pa ng perang pambili. Iyon, makalasap lang konting tikim sa tae solb na. Buhay nga naman.
Habang tinititigan ko ang pagmumukha ko sa salamin, naisip ko, hindi naman pala ako pangit. May hitsura naman ako kung tutuusin, sabay kindat. Kung sakaling wala, bakit nagawa akong magustuhan ng maraming babae nung hayskul ako? Bakit ako ang pinipili ng mga niligawan kong mga anak ng pulitiko at hindi ang mga mayayaman nilang mga manliligaw? Napailing nalang ako.Kumplikado na nga ang buhay, nakukuha ko pang magyabang.
Parang nakuryente and utak ko ng may naisip ako bigla. Ayos. Parang dito na matatapos ang mga problema ko. Pero, hindi ako sigurado kung may patutunguhan nga ‘yun. Parang hindi maganda pero makagagaan ako dito. Doble kara. Doble ginhawa. Medyo perwisyo nga lang. Pakiramdam ko, parang maraming mawawala sa akin kapag tinuloy ko ang binubulong ng demonyo sa tainga ko.
Lumapit ako sa salamin. Hinubad ko ang aking sando saka tumingin muli. Napatitig ako sa aking pangangatawan. Medyo malaki naman ang mga masel sa aking mga braso hindi man ganun kabilog. Hindi pa masyadong malaki ang aking mga ads, kung yun nga ang tawag dun. Ads o Abs. Ads yata. Leche, bahala na. Yun din yun.
Makinis naman at malinis. Pwede na siguro to. Puhunan. Kinapa ko ang aking tagiliran. Mejo malambot. Pwede na. Magandang ideya.
Nang bihis na ako, sa pabango na lamang ako naligo. Wala naman akong tubig dito. Nakakahiya naman kapag sa kapitbahay pa ako naligo. Nahiya pa daw ang loko.
Bago ako umalis, ikinandado ko muna yung pintuan kahit alam kong wala naman silang mananakaw dun. Pero sa panahon ngayon, pati brip o bumbilya pinapatulan. Lecheng buhay talaga.
Pinabantayan ko na lamang kay Aling Reming ang barumbarong ko. Siya na ang parang naging nanay nanayan ko dito. Mabait din siya, kahit lasinggera. Kapag natiyempuhan mong natamaan ng lambanog yun, patulugin mo na lang. Nataranta minsan ang purok nang malasing yun at isinigaw na may sunog dahil daw may nakita siyang usok kahit wala naman. Suspetsa ko, umatake ang katarata niya nun.
Nang magising ako mula sa maikling pagkakaidlip sa dyip, ilang metro na lamang pala at ako’y nasa aking destinasyon na. Pagbaba ko, sinigurado ko muna ang aking desisyon. Mahirap na pag umatras. At lis, kapag ginawa ko ito, natulungan ko na sarili ko, pati ibang tao. Sumindi uli ako ng yosi pampaalis ng kaba. Tao din naman akong kinakabahan.
Hinanap ko ang plakard. Ayun, tabinging nakasabit sa may seradura ng pintuan.
Huminga ako ng malalim saba’y tapon sa yosing hindi ko pa nakakalahati.
Dis is it.
Pagbukas ko ng pintuan, isang madilim na silid ang aking nadatnan. Medyo burara ang may-ari. Magulo sa loob. Nagkalat ang mga libro, mga magasin at kung anu-ano pa.
“Good afternoon”
“Gudapternun boss” sagot ko.
“kung di ako nagkakamali, iyon ang sadya mo rito. Tama?” tanong ng lalaki saba’y turo sa may plakard. Tumango na lamang ako tanda ng pag-ayon.
“Sigurado ka na ba diyan?Mahirap nang padalusdalos. Baka di mo kayanin. Saka, alam mong iligal to kaya pag kumanta ka, damay ka din”
“Opo. Naisip ko na lahat yan” sambit ko.
“O sige. Marami pa akong gagawin. Simulan na natin.”
Pinatanggal niya ang aking damit at pinahiga sa kamang nangangamoy amag na.Ilang minuto pa’y narinig ko ang pagbukas ng gripo sa may lababo sa kabilang kwarto. Nang tumigil ang tunog ng lumalagaslas ng tubig, naisip ko ulit- dis is it.
Huminga ako ng malalim at ipinikit na ang aking mga mata ng nakita kong nakatayo na sa harap ko si Boss.
Bago siya magsimula, binuhay niya ang radyo. Kinitil ng maalumanay na tugtugin and ang katahimikan ng paligid. Pagkuway, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking kanang tagiliran.
“Awwww! P^ta^g ina^g gago ka. Sh^t!”
Napasigaw ako nang maramdaman ko ang pagturok niya nang isang bagay sa katawan ko. Masakit. Sobrang sakit.
“Nerbiyoso. Anistisya lang yan” paglilinaw niya.
Tiwala na naman ako dahil doktor siya. Sabi kasi nila, hindi ka naman mamamatay kapag ibinenta mo ang isa sa mga kidmi mo. Eto nanaman. Kidmi o kidni. Kidni. Yun. Sa hirap ng buhay ngayon, hindi mo na aalalahanin pa ang kalusugan mo makaraos lang, magkaroon lamang ng pambili ng makakain. Wala nang oportunidad ang mga kagaya kong walang pinag-aralan. Lulong pa sa bisyo. Sana. Sana lang. Naging elepante na lang ako. At lis, may zoo. Kung nakita ka nilang sugatan, gagamutin ka talaga. Libre pa. E ang tao? Malimit lang.
Buti na lang. May plakard sa harapan. Kahit iligal, nagbibigay pag-asa naman.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


